Dito natin sa Bikol piniling ilunsad ang susunod na yugto ng ating laban. Dito, kung saan ako isinilang at lumaki; kung saan nahubog ang prinsipyo at paniniwala  ko, hindi lang ng mga natutuhan sa eskuwela, kundi ng harapang pakikisalamuha sa inyo.
Dito ko sa Naga nakilala si Jesse. Dito namin binuo ang aming pamilya. Higit sa lahat, dito ko sa Naga nakita na ang luma at bulok na klase ng pulitika, kayang talunin ng matino, mahusay, masipag, at makataong pamamahala.
Dito, nagtiwala ang tao sa lider na nakikiisa sa kanya: Nakikipila, nakikiramay sa sapalaran, namumuhay nang simple gaya niya. Dito, may tinig ang karaniwang mamamayan, hindi lang tuwing halalan, kundi sa mismong sistema ng pamahalaan.
Dito, ang puwang para sa katiwalian, aktibong pinakikitid ng pakikilahok at bayanihan. Dito natin naipakita: Ang pag-angat, makakamtan nang hindi dinadaan sa salapi o sa palakasan, kundi sa sama-samang pagpapasya ng landas tungo sa kinabukasan.
Kilala natin ang mukha ng luma at bulok na pulitikang gusto nating wakasan. Sa ganitong pulitika, hindi laging sapat ang mabuting intensyon, dahil ang sistema, madalas napapausad lang ng transaksyon, na kadalasan ding nangyayari sa pagitan ng mga magkakaalyado at magkakasosyo.
Ito ang klase ng pulitika na makikipag-selfie sa iyo, kakantahan at sasayawan ka, aabutan ka ng sobre tuwing kampanya. Sa kabila nito, anumang pagkayod mo, parang palayo pa rin nang palayo ang mga pangarap mo.
Dahil dito, nabubuo ang sentimyento ng marami sa kababayan natin: Na kahit sino pa ang maupo sa puwesto, mauuwi lang lagi sa pangako ang pagbabago.
Kaya nga ang tugon natin: Hindi lang pangalan o apelyido ang kailangang palitan. Kailangang wakasan ang mismong luma at bulok na pulitika na ugat ng mga suliraning dumidiin sa Pilipino. Ito ang diwa ng ating laban.
Nasa katapatan ang susi ng pagtupad sa layuning ito. At hindi na dapat pinagdedebatehan: Ang pinuno—lalo na ang pangulo—dapat laging nagsasabi ng totoo, dapat sumusunod sa lahat ng patakaran, dapat walang-duda pinangangalagaan ang kaban ng bayan.
Ang pinuno, dapat manguna sa pagiging huwaran; dapat siyang manguna sa pagtatakwil ng palakasan, at sa pagsigurong mananagot ang mga nanlilinlang sa taumbayan at nagsasamantala sa kapangyarihan.
May isa pang ibig sabihin ang katapatan. Ang gobyernong tapat, tumototoo sa kanyang tungkulin sa taumbayan. Tapat siya sa mismong dahilan kung bakit nilikha ang pamahalaan: Para sa tao.
Ang paninindigang ito ang pangunahin nating prinsipyo sa pamamahala. Magtatatag tayo ng gobyernong handang makinig sa inyong mga hinaing, at gagamitin ang inyong mga karanasan bilang batayan ng kanyang mga hakbang.
Isang pamahalaang aalagaan ang kaban ng bayan at gagamitin ito para lang sa ikabubuti mo. Isang pamahalaang magmamadaling sumaklolo pag dumaing ka, makikipagpuyatan para mapaginhawa ka, lulusong sa baha para iahon ka.
Susuotan natin ng tsinelas ang gobyerno at patatawirin sa mga pilapil papunta sa iyo. Sa ating pamamahala, laylayan ang magiging bagong sentro.
Makikita na ang ilan sa mga plano natin sa http://lenirobredo.com . Patuloy ang pagpapanday natin ng komprehensibong mga polisiya para sa iba't ibang sektor ng lipunan. Isasalamin ng alinman sa mga polisiyang ito ang ating batayang prinsipyo: Gobyernong tapat, angat buhay lahat.
Ibig sabihin, kung ang gobyerno, tapat sa tungkulin, tapat sa prinsipyo, tapat sa tao, hindi na dadagdag pa sa pangamba kung saan siya kukuha ng pambayad sa ospital—dahil ang lingap, ang gamot, ang lunas sa karamdaman, nagagawang abot-kamay ng maayos na sistemang pangkalusugan.
Panatag ang mga magulang dahil hindi hadlang ang kahirapan para makamtan ng kanilang anak ang kaalaman na magagamit sa paghubog ng sariling kapalaran.
Hindi na kailangang mabaon sa utang ang mga nawalan ng trabaho; sa halip, sa komunidad niya mismo, gobyerno ang magbibigay ng trabaho.
Ang mga nagbuhos ng ipon sa maliit na negosyo, makakaasa sa ginhawang dala ng pagsisikap, dahil gobyerno mismo ang mag-uugnay sa kanila sa merkado.
Wala nang katutubong mapipilitang magharang ng katawan sa bulldozer, dahil makakahugot lang ng likas na yaman mula sa lupa kung may basbas ng komunidad.
Ang maralitang tagalungsod, hindi na kailangang magbarikada pag may demolisyon, dahil sisiguruhin nating matutugunan ang kanilang pangangailangan, sa bagong tahanan ng kanilang mga pangarap.
Ang mangingisdang umuuwi nang walang huli dahil hinaharang ng dayuhan, ipagtatanggol ng mga tanod na may gamit at benepisyong tumutumbas sa kanilang tapang.
Ang mga napipilitang iasa ang kinabukasan sa ginintuang mga kasinungalingan, mamumulat na ang tunay na ginto, nasa puso ng bawat Pilipinong handang makipagbayanihan.
Ang unang hakbang sa pangarap nating angat buhay lahat ay ang pagpili ng gobyernong tapat. Alam nating kayang maabot ito.
Alam natin kung paanong maaabot ito—dahil mula pa noong mga panahon na abugado ako para sa mahihirap, hanggang sa Kongreso, hanggang ngayon bilang Pangalawang Pangulo, nakita ko ang naidudulot ng paglilingkod na nakaugat sa katapatan at nakasentro sa laylayan.
Pinanday na natin ang plano, matagal nang isinasabuhay ang prinsipyo, at matagal na ring napatunayan ang angat-buhay na dala nito. Handa tayong humarap kahit kanino.
Pero paano masusukat ang plataporma, ang track record, ang vision sa kinabukasan, kung ngayon pa lang, nakikita na natin ang pagtatangkang iligaw ang diskurso, palayo sa usapin ng ating mga pangarap?
Habang tumitingkad ang katotohanang handa tayong baklasin ang sistemang matagal nang pinagsasamantalahan ng luma at bulok na klase ng politika—asahan na rin nating titindi pa ang laban.
Hindi ako natatakot. Hindi ako kinakabahan, dahil nang tinawag ko kayong gisingin ang natutulog pang lakas, buong-buo ang naging tugon ninyo:
Tumulong kayo sa nangangailangan, pinakain ang nagugutom, nagbigay-lingap sa nasalanta at may sakit, nakinig sa kuwento ng bawat Pilipinong dumadaing at naghahanap ng kasangga sa kanilang mga suliranin.
Panatag ang loob ko dahil nakikita kong magkakahanay ang paniniwala ng Pilipino; magkakarugtong ang diwa ng Pilipino; iisa ang ritmo ng dangal natin kapag may kababayang nagwawagi sa paligsahan o anumang entablado.
Nagbabayanihan tayo sa harap ng anumang krisis o sakuna, nag-aambagan para tumulong sa nangangailangan, nakikibaka sa anumang sapalaran.
Hindi natin iniiwan ang isa't isa, at habang namumulat tayong may landas tungo sa mga pangarap natin,  tiyak kong aakayin natin ang isa't isa tungo sa katuparan ng mga ito.
Buong-buo ang tiwala ko sa bawat Pilipino. Tiwala ako sa tibay, sa husay ng bawat isa sa atin; sa liwanag ng ating kalooban; sa pag-asa at katotohanang magbibigkis sa ating bayan.
Katapatang mag-aangat sa buhay ng lahat. Katotohanang tatagos sa bawat puso sa bawat sulok ng bansa. Pag-asa, pakikiisa, pagkakaisa. Dito tayo tumataya. Dito tayo tumitindig. Ihanda na ang mga bisig, dahil tinitiyak ko: Walang kayang tumumbas sa pinagbigkis nating lakas.
Tara. Ipanalo na natin ito.
You can follow @lenirobredo.
Tip: mention @twtextapp on a Twitter thread with the keyword “unroll” to get a link to it.

Latest Threads Unrolled: