Wake me up when September ends. — a thread.
1. Bagong araw, bagong umaga, bagong simula. Nakaramdam ng panghihina, hindi mawari kung anong dahilan. Kumakain, humihinga at natutulog. Ngunit pagod. Napatigin sa bintana, napagmasdan ang kapaligiran. Gisingin mo nalang ako pagtapos ng setyembre.
2. Saranggolang kulay kayumanggi. Mataas ang lipad. Maraming humahanga dahil langhap ang sariwang hangin. Malaya nga bang nakakalipad o kontrolado lang ito ng nasa kanyang ibaba? na handang pataasin at ibagsak sa lupa. Nakita ko ang batang naglalaro ng saranggola, Isang banyaga.
3. Nilagpasan ko ang batang banyaga, habang nasa daan ay may napansin akong isang karatula ng aking binasa'y "Pilipinas." may narinig ako mga lalaking nagtawanan. "Pilipinas? Ah, probinsya!" at tumawa muli sila. Nang aking tingnan ang karatula'y nakabaliktad at burado na.
4. Hinayaan ko na lamang sila at nagpatuloy. Kapansin-pansin na mailap ang bawat tao sa isa't isa na parang may nakakahawang sakit. May nakita akong isang batang babae na tinatanaw ang magandang balkonahe. "Anong pakiramdam ng makaapak sa itaas?" inosenteng tanong niya.
5. "Ano ang iyong pangalan?" tanong ko. Namilog ang kanyang mata at dahan dahang tumingin sa akin, may bahid ng dumi ang kanyang lumang bestida. "Nakakapanibago na may gustong malaman ang aking ngalan." napayuko ito. At inangat ang tingin sa'kin. "Ako'y isang alipin." wika niya.
6. "Gano'n ba? Maaari ko bang malaman kung nasaan ang tamang daan?" tanong ko sa kanya. Pinagmasdan niya ako ng mabuti. "Ano po bang daan?" naguguluhang tanong niya. "Kung nasaan ang kapayapaan." sagot ko. Ngumiti ito at umiling. "Wala ho dito ang hinahanap niyo." aniya.
7. Nagulat ako sa sinabi niya. "Anong wala? Ito ang Pilipinas, hindi ba?" tanong ko. "Oo pero wala dito ang kapayapaang hinahanap mo, naliligaw ka ata, maaari kitang samahan." aniya. "Saan?" ngumiti lang ito at nagsimulang maglakad. "Ang ipakita ang kalagayan ng Pilipinas."
8. Mabato ang aming binabaybay. May mga taong nakasilip sa bintana at agad nilang isinasara. "Ano bang mayroon?" tanong ko. Dahil aking napapansin ang pagiging ilap ng mga tao. Sumeryoso ito. "May nangyari dito sa bayan, kaya takot lumabas ang mga tao. Ang mga mahaharlika."
9. "May nangyari kailan at ano?" tanong ko. "Isang malubhang karamdaman." nagulat ako sa sinabi niya. "Kung gano'n ay dapat hindi na tayo namamasyal!" mariin itong napailing. "Ang kaligtasan ay para lang sa mayaman, hindi sa tulad kong pagkalam ng sikmura ang aking kamatayan."
10. Nag patuloy kami sa aming paglakad. "May kapatid ka ba?" tanong ko. "Wala pero marami ang tulad kong kapos." aniya. "Kung gano'n bakit hindi ka humingi ng tulong?" ngumisi ito. "Kung humingi man, ay kung kani-kaninong kamay dumaan. Hanggang sa maging butil na lamang."
11. Napaupo kami malapit sa isang ilog. "Ano ba ang iyong pangarap?" Napatingin ito sa tubig, malinaw na nakita ang mukha. "Ang hindi tingnan ang repleksyon ng estado. Maging isang bato na iba man ang uri, hugis at pinagmulan, hindi ito ang sukatan." at hinagis ang bato sa ilog.
12. "Bata ka pa marami pang pwedeng magbago, Ikaw ba'y nag aaral?" tanong ko muli. "Hindi para saan ang pag-aaral kung ang leksyon mula rito ay hindi rin mapapakinabangan." huminto ito. "Lahat naman ng nasa itaas nakapag aral, may nagbago ho ba? Wala. Mga nanatiling mangmang."
13. "Ngunit makakatulong ang pag-aaral, maaaring mabago mo ang sistema." ani ko. "Paano? Kahit makapag-aral pa ay maharlika parin ang pipiliin, hindi ang tulad kong isang alipin." napabuntong hininga ako. Ganoon ba kahirap? Na ang kaalaman na dapat yaman ay daig ng kapangyarihan?
14. "Huwag ka mag alala, dadating ang araw na mapapakinggan ang boses mo." ani ko. "Sana pagdating ng araw na 'yon buhay pa ako." biro niya. "Kailanman hindi ka mamamatay. Dumadaloy sa iyong dugo ang tapang ng isang Pilipino. Kaunti man ang tulad mo ngunit magsasalin-salin ito."
15. "Kung ganoon ay dapat ko pang tapangan nang sagayon kung magkaroon ako ng mga supling ay baka sakaling sila ang maging dahilan ng pagbabago," aniya. "Tama ka, huwag kang mag-alala at mawalan ng pag-asa, narito ako at aasahan ang pagbabago." nakangiti kong sabi.
16. "Ano kayang magiging kalagayan ng Pilipinas kung gano'n?" tanong niya. Napatingin ako sa kalangitan tanaw ang isang malaking ibon. "Parang isang agila, malayang nakakalipad malayo ang nararating— Sinuman ay walang may karapatang dumakip, saktan at ikulong ang malayang agila."
17. "Kahit ang nasa itaas hindi dadakipin ang malayang agila?" tanong niya. "Walang nasa itaas at walang nasa ibaba. Ang isang malayang agila ay may iba't-ibang lahi na may iisang layunin; Ang turuan ang mga batang agila na lumipad nang malaya." sagot ko.
18. "Malapit ng mag hapon, wala ka bang tahanan o masisilungan?" Kanina pa namin pinagmamasdan ang ganda ng lugar. "Ito ang aking tahanan. Ito ang nagpamulat sa akin, ang kanilang mga salita'y nagmistulang almusal hanggang hapunan at ang reyalidad ng buhay ang aking gabay."
19. Hindi na alis sa aking tingin ang pagpunas ng luha niya. "Maganda ang iyong tahanan," wika ko. "Tama ka maganda. Kaya marami ang nasasabik na makitulog at humiga sa magandang papag at ginawang alipin ang mga tunay na nagmamay ari ng tahanan." mariin niyang wika.
20. "Kung gano'n ay hindi na sana pinaunlakan sila," seryosong sabi ko. "Makikitulog lang daw, hindi inakalang aabot sa punto na dadaan ang maraming taon. Ang masakit pa rito ay ninakawan pa. Inangkin at nais baguhin ang pangalan ng titulong nag mamay-ari." mariin niyang sabi.
21. "Maaari kitang tulungan," saad ko. "Paano? Nariyan ka, ngunit parang kay layo mo," Napatingin ako sa kanyang mata at hiniling na may masiliyang maraming pares na tulad niya. "Narito lang ako huwag ka mag aalala." Napangiti ito. Agad naman napawi dahil sa putok ng baril.
22. "Hindi nila tayo dapat makitang magkasama!" sigaw niya at nagmadaling hinila ang aking kamay. May mga narinig kaming mga yabag. "Tara dito! Kailangan nating magmadali!" sigaw niya muli. Dumiretso kami sa isang masukal na gubat. Hinigpitan ko ang hawak ko sa kamay ng bata.
23. "Dito muna tayo mamalagi, baka may makakita sa atin," aniya. Napaupo kami sa isang malaking ugat ng puno. "Ganito ba ang lagi mong ginagawa?" tanong ko. Mapakla itong napangiti. "Hindi. Sinubukan kong lumaban ngunit isa lamang akong bata. Walang karapatang magsalita."
24. Malayo na kami. Gabi na at naisipan naming magsiga. "Ang mga sangang ito, nag sama-sama para lumikha ng apoy. Kahit makaramdam ng matinding paso ay mananatili para sa layuning magsiklab ng liwanag. Ang nakapalibot sa kanila ay nakakaramdam ng ginhawa." makahulugang sabi niya.
25. "Kung ikaw, ano ang nais mong piliin?" tanong ko. "Mas nanaiisin kong mapabilang. Kahit isa lamang ako ay makakatulong, upang mas lumaki ang apoy. Ikaw?" tanong niya. "Ang maging hangin. Ang pag-ihip sa nagbabagang apoy upang mas lalong sumiklab." at aking dinama ang init.
26. Ilang oras na siguro ang lumipas. Nagaatay sa bukang liwayway. "Hindi ka po ba makatulog?" Tumango ako. Ngumiti ito at humikab. "Huwag ka pong mag aalala, siguro'y hindi na nila tayo makikita," aniya. Ngunit hindi ako mapanatag at ako'y nangangamba. "Hulihin ang batang 'yan!"
27. Napatayo ako at pilit na yinapos ang bata. "Wala kayong karapatang hulihin ang bata!" sigaw ko ngunit pinagtawanan nila ako. Pwersa nilang kinuha ang bata at tinutukan ng baril. "Anong wala?" Malakas niyang sinampal ang pisnge ng bata. "Ito ba ang karapatang tinutukoy mo?"
28. "Bitawan niyo siya! Pakawalan niyo!" sigaw ko ngunit hindi nila ako pinakinggan. Hikbi ng bata ang aking narinig. "Ikaw bata! Gumising ka sa kahabingan mo! Alipin ka lang!" babarilin niya sana ito ng pigilan ko siya. "H-handa ako sumama, kapalit ng buhay ng bata..."
29. "Aba, masyado kang mailap at ngayon sasama ka sa amin ng kusa?" ngumisi ito. Hindi ko siya pinakinggan. "Huwag kayong sasama sa kanya!" sigaw ng bata. Tinangkang hawakan niya ako ngunit agad na hinila ako ng banyaga. "Magsasama ulit tayo pagtapos ng setyembre, P-Pangako..."
30. Hinatak ako palayo sa bata. Naiwan itong umiiyak sa gitna ng gubat. "Pangako! Magluluwal ako ng mga supling na may tapang at lakas! Kanila ka nilang babawiin!" Tumawa ang mga dayuhan. Ako'y itinago at naghahangad na ako'y hanapin. "Pilipinas kailangan mo ako, gumising ka na."
(1.) Napabalikwas ako sa aking lupang sinilangan. Nakaramdam ng iilang butil sa aking noo. Nagising mula sa isang mahabang panaginip. Isang matandang salubong ang kilay ang bumungad sa akin. Ang dating batang banyagang nagpapalipad ng saranggola.
(2.) "Hindi ka na dapat nagising." mariin niyang sabi. Umupo ito sa kanyang silya at pinapanood ang iba na nahihimbing sa kanilang pagtulog. Teka, Ika- trenta na ba ng setyembre?
(3.) "Hoy, ikaw punyeta! Kay tagal ka naming inantay!" sigaw mula sa isang malaking bukas na aklat. "Juan, huminahon ka." ani ng isang manggagamot na ginang. "Kay tagal ka naming inasam." wika ng isang lalaking may itak at punit na sedula.
(4.) Napabaling ang aking atensyon sa kanila. Tiningnan ang siyam na taong nakagapos mula sa isang malaking aklat. "Sino kayo?" tanong ko. "Ako'y isang presidente." aniya. "Presidente? Bakit ka ba narito? Mas mabuti pa na ang kapatid kong heneral ang nandito."
(5.) "Juan, Tumigil nga kayo. Hindi ito ang oras para magsisihan," ani ng isang lumpo. "Ikinagagalak ko na masilayan ka, sa aming lahat ako ang pinakamatagal na nag-intay." sabi ng isang lalaking nakabahag at may mga palamuting ginto sa braso.
(6.) "Magsitigil nga kayo nga ginoo. Lahat tayo ay nagagalak na maasam siya. Ngayo'y narito na siya sa ating harapan. Lahat ng ating pinaghirapan; mga dugong dumanak— hindi tayo nabigo, tayo ay nagtagumpay." wika ng babaeng may tapang at lakas ang boses.
(7.) "S-Sino kayo?" tanong ko muli dahil naguguluhan ako sa mga taong nasa harap ko. "Kami ang mga supling na ipinangako." ani ng isang doctor na may hawak na mga libro. "Kami ang mga sanga na nagpasiklab ng apoy." dagdag ng lalaking may itak.
(8.) Magsasalita sana ako ng harangin ako ng banyaga. "Hindi ka na dapat nagising. Matagal ka na sanang patay!" sigaw niya. Matalim ko siyang tiningnan. "Kailanman hindi ako mamatay, Kailanman hindi mo ako makokontrol bilang isang saranggola!"
(9.) Napabaling ako sa mga tulog parin hanggang ngayon. "Itigil mo na 'to. Huwag mo na silang paglaruan at gisingin muna sila." Tumawa ito. "Hindi ko na sila kinokontrol. Sila na ang nagdedesisyon kung balak pa nilang magising kahit tapos na ang setyembre." at lumabas ng silid.
(10.) Napaupo ako at pinagmasdan sila. Napabaling ulit ako sa malaking aklat. "Hindi mo ba kami nakikilala? Kami ang mga anak ng nangako sayo. Isa kami sa mga naghangad sa'yo. Ikaw, ikaw ang kalayaan."
(11.) Tila isang mahabang panaginip. Bumalik lahat ang aking alaala. May luhang tumulo sa aking mata. Kay tagal ko itong inasam. "A-Ako ang kalayaan..." mahinang sambit ko. Bakas ang pagod sa kanilang mata ngunit may ngiti sa kanilang mga labi.
(12.) Isa-isa kong tiningnan ang mga taong nahihimbing paring natutulog. Ako at ang siyam na nakagapos mula sa aklat ay sabay na pinagmasdan ang mga nasa papag. "Tapos na ang setyembre, gumising na kayo." tinig ko. Tinig ng kalayaan.
Idependence day woke up on June (12) 1898. When ('Nine' National heroes contributed and died for our freedom.) September Ends.
Matagal ng tapos ang 'Setyembre,' kailan ka pa gigising? — End of thread.
Matagal ng tapos ang 'Setyembre,' kailan ka pa gigising? — End of thread.