PABUYA

Tagsuporta ako ni Duterte. Dati. Asong ulol noon. Naglaway para sa kanya. Sinugod kahit sinong kumonta. Handang kumagat dahil ipinaglaban siya. Kung nasaan siya, nandoon ang buntot ko. Himas sa aking ulo ang paasa niya. Kamot sa balat ko ang kanyang panggagago. Nauto ako.
Hindi ako tipikal na DDS--bobo, pangit, pipitsugin at galit. Guro ako sa isang public high school. May master's sa Math. Alam ko ang logic. May critical thinking skills ako. Meron akong kakayahan sa reading comprehension. Alam ko kung ano ang gerunds, infinitives at participles.
Kahit mababa ang aking suweldo, napagkasya ko naman. Nakabili pa nga ng glutathione para mapanatili ang pleasing personality na napakaimportante sa trabaho at promosyon. Nakapang-ukay pa rin dahil importante ang imahe sa propesyon ko. Nakapag-Japan surplus din para may maipundar.
Mga magulang ko na lang ang mga kasama sa bahay. Nasa Dubai si Ate. Accountant daw pero HRM ang natapos. Ewan ko kung nasaan si Kuya. Seaman kasi. Parehong mga pensiyonado na sina Papa at Mama. Hindi sila nagpabaya. Sila ang umako sa mga bayarin sa bahay--tubig, gas at kuryente.
Pagkain naman ang ambag ko at iba pang hindi na nila kaya. Ang mahal kaya ng mga gamot nila. Hindi pa puwedeng utangin. Wala ring libre. May para sa alta-presyon. Meron sa diyabetes. May pampalabnaw ng dugo. Merong pampanormal ng pagtibok ng puso. Mga bitamina lang ang sa akin.
May nobya rin akong pinagkagastusan noon. Walang libreng kape sa Starbucks. Hindi puwede ang mamitas ng sunflower sa gilid ng daan para ibigay sa kanya. Dilawan siya. Kasama ko sa trabaho sa dating eskuwelahan na pinagtrabahuan. Walang sex ang aming relasyon. Puro lang pasyalan.
Noong naghiwalay kami, nanghinayang ako sa mga ginastos. Mga regalo. Pinabalot kaya lalong napamahal. Ilang beses din nagsine at may popcorn at Coke pa. Parehong large. Siyempre kailangan ding ipag-shopping. Mahal ang relasyon. Wala na ngang sex, demanding pa pagdating sa oras.
Lubos akong nasaktan dahil desisyon niya ang hiwalayan. Kinamuhian ko ang kahit ano basta tungkol sa kanya. Pati ang kanyang pagkadilawan. Naging ganap na Dutertard ako nang nakilala ko si Riyoh sa Facebook. Isa siyang sikat na blogger. Tambay. Parang gutom. Marahas. Pero top.
Siya siguro ang dahilan kung bakit naging dakilang tagasuporta ako ni Duterte. Kapag sinabing lukso, hindi lang ako lumukso. Sumirko pa sa ere. Rumolyo sa aspalto. Nag-split pa pagkatapos. Nanibago kasi ako sa ganoong relasyon. Hindi ko alam na bisexual pala ako. Submissive pa.
"Kung gusto mong maging tunay na DDS, dapat galit ka sa mga nakaraan kahit ano pa man," sabi ni Riyoh noong nagmotel kami. Maka-Duterte siya pero humithit ng shabu.

"Galit nga ako sa ex-girlfriend ko at sa pagkadilawan niya," wika ko habang pinagmamasdan siyang bumuga ng ulap.
"Maniwala ka ring parang bulag. Kahit ano ang sasabihin ng pangulo ."

"'Yan talaga ang ginagawa ko kahit hindi siya kapani-paniwala."

"Ipaglaban mo kahit mali. Panindigan kahit walang saysay."

"Oo, masarap sa pakiramdam ang mali. Hindi dapat lahat ng mga bagay ay may saysay."
"Higit sa lahat, kalabanin mo ang mga kalaban niya." Sampu ang kanyang mga tatu na nabilang ko. Makukulay. Mahaba ang buhok. Tila nagtipid sa barbero.

"'Yan ang gagawin ko sa social media," sabi ko. Ginawa ko nga. Imbes na magsulat ng lesson plan, nang-troll ako nang magdamagan.
Hindi siya gwapo. Kung putulan ng mga bisig at hita, ebak siya ng naempatso. Pero may kakaibang dating. 'Yong gusto kong magpabugbog sa kanya at magpahalik pagkatapos. Sinigawan ako ngunit gusto ko pang laitin niya ako. Pinerahan na nga pero siya pa ang pinahawak ng ATM card ko.
Kahit sa klase, nadala ko ang aking pagka-Dutertard. May pa-exam pa ako na puro may Duterte ang mga tanong. Ginawa ko pang altar ang larawan niya sa itaas ng pisara. May inatasang mga estudyante na lagyan ng mga bulaklak araw-araw. Kandila na lang ang kulang para santo na siya.
Duterte rin ako nang Duterte sa aming bahay. Tumahimik na lang ang nanay ko kahit hindi niya nagustuhan ang mga balita sa telebisyon dahil ayaw ng gulo. Pati ang tatay ko na bihasa sa kasaysayan ay nakatitig na lang kasi bawal sa kanya ang magbigay ng lecture at magalit sa akin.
"Ganyan dapat ang tunay na DDS," sabi ni Riyoh noong pinuslit ko siya sa aking kuwarto dahil sarado na raw ang bahay ng tiyahin na tinuluyan. "Pati mga kapamilya, kaibigan, katrabaho o kakilala mo ay dapat awayin, salungatin, at patahimikin kung talagang tunay kang maka-Duterte."
"Ang sarap ng pakiramdam kung ganyan. Empowered ka. Alam mo na powerful ang ipinaglaban mo. Parang may power ka na rin." Ginapang ko siya mula sa paanan dahil hinablot niya ang buhok ko at hinila pataas. May gusto na namang bilhin na gadget kaya ganyan siya. Tumihaya nang kusa.
"Losers lang ang kukontra kay Duterte."

"Ayokong maging loser tulad nila."

"Kung hindi ka makapangyarihan, puwede kang magpanggap."

"May point ka dahil nasa utak ang pagiging makapangyarihan."

"Para empowered ang dating..." simula niya.

"... sa powerful pumanig," dagdag ko.
Sadyang totoo nga ang kasabihang lima lang ang hindi puwedeng takpan: kalangitan, araw, buwan, tala, at katotohanan. Kahit anong pagtatakip sa mga katotohanan, kusa silang gumapang mula sa mga pinagtaguang lungga para lumantad at sampalin ang mga tulog kahit dilat ang mga mata.
Nainis na ang isang estudyante ko dahil puro Duterte na lang ang aking binanggit sa klase. Naumay sa mga takdang-aralin sa matematika pero ang pangulo ang bida. "Sir, math teacher ka. Magaling ka sa calculation. Ilang araw na ba ang lumipas mula noong nag-expire ang six months?"
Ang bigat ng yesong kanlong ng aking kamay na gusto kong durugin. Ang tatalim ng mga gilid ng pambura na parang humiwa sa balat. Ang lalim ng pisarang luntian na animo'y gusto akong lamunin at ilunod sa hiya. "From now on, no more Duterte in this class." Tanggal pati ang larawan.
Tatlong buwan na ring hindi nagpakita si Riyoh sa akin simula noong paunti-unti ang pagbabayand ng aking suweldo dahil kinapos daw ng pondo o hindi pa tapos ang audit o walang ambag ang LGU o may problema sa computer. Basta maraming dinahilan ang pamunuan. Hindi na ako bangko.
Kagaya ng pangulong inidolo, sanggano rin siya. Pera lang ang habol. Sinungaling pa. Puro pang-uuto ang alam. Higit sa lahat, bobo. "Nadale ako dahil una, maawain ako sa mga bobong estudyanteng barumbado. Pangalawa, hindi pa ako nakatikim ng kahit anong sex. Pangatlo, galit ako."
Noong nabasa niya sa pahayagan na regular na ang pasuweldo, tumawag siya. Wala raw matuluyan. May parating pa na lockdown dahil sa epidemiya. Wala ring pera. Meron pang nautangan ng malaki. Hindi na gumana ang kanyang haba, laki at lapad. Kulang ang diyametro sa aking pagpupuyos.
Humindi ako. Natauhan na kasi. Naalala ko na ang anghit niyang tinakpan ko ng aking pabango, ang libag na makapal na inakala ko na lang na birthmark, at ang pawis na malagkit. Halatang ayaw sa tubig o walang pambili ng sabon. Nasa kanya ang shampoo na may conditioner na nawala.
Kaya pala ginatungan ang galit ko sa nobyang dilawan. Gusto niyang pikitan ko ang kapangitan ni Duterte, ang kabobohan niya, at ang kanyang pagkaganid sa pera para hindi ako matauhan na ganoon siya. Pareho sila. "'Yong isa nga, 16 million ang nauto," sambit ko na lang sa sarili.
Hindi lungkot ng hiwalayan ang naramdaman ko kundi hiya. Nagngitngit din sa sarili dahil hinayaang gamitin ang aking galit para mauto. Ilang "buti nga" ang pinakawalan ng aking mga labi dahil mapaniwala. Ganoon pala ang mabiktima ng budol-budol gang. Sarili pa ang may kasalanan.
Kung may aalis, meron ding dadating. Nangyari 'yan sa akin. Nagkita kami ni Abigail sa Twitter. Hindi siya dilawan. Bansa ang kanyang ipinaglaban at pinagtuunan. Kritiko siya ni Duterte dahil hindi patok sa kanya ang kabobohan at kagaguhan. Edukado si Abi. Matapang. Malibog din.
Hindi siya sanay magpalibre. Hindi rin demanding ng oras sa akin. Walang pagpaparinig ng regalo. Walang "Bilhan mo 'ko niyan" kapag nasa mall. Bumalik ang dating standards ko sa kapareha. Walang "Puwede na" sa aming pagpapahalaga. Hindi "Pagtiyagaan na lang" ang aming relasyon.
"Reading comprehension lang at logical reasoning ang kailangan sa critical thinking," sabi niya noong tumambay kami sa isang cafe.

"At ang objective na kalkalin ang katotohanan," dagdag ko. Ang sarap naman pala ng dalgona coffee. Lalong pinasarap dahil sa usapan namin ni Abi.
Naging kami bago ipinatupad ang lockdown. Dinala ko siya sa mamahaling hotel. Hati kami sa bayad. Walang motibo ang aming pagtatalik. Kusa naming ginusto. Hindi ako nakunsensiya pagkatapos. Hindi rin nalito ang utak. Walang pandidiri sa sarili. Walang baho, dumi, libag at anghit.
Nakakulong na nga ako kasama ang aking mga magulang sa bahay. Nagpadala sina Ate at Kuya para hindi na raw pipila pa para sa relief goods. Pero ubo nang ubo sina Papa at Mama. Tumawag ako sa mga ospital, humindi sila. Hindi pa raw dapat. Walang ambulansiya. Wala ring testing.
Sinisi ko ang sarili. Ako ang kalaro ni Papa sa chess bago dumating si Riyoh na parang tulisan. Dahil wala na akong panahon sa ama ko, nakipaglaro na sa iba sa parkeng matao. Ako rin dati ang namalengke hindi si Mama. Magkahalong hiya, duda, takot, at awa ang aking naramdaman.
Tumawag ako sa kapitan na pinaskil ang numero niya sa barangay hall, hindi tumulong. Nagmensahe ako sa opisina ng mayor na may website, walang sagot. Tumawag muli sa mga ospital, humindi pa rin. Nagmakaawa sa DOH na may hotline number, maghintay raw kasi hindi pa sila nilagnat.
Naghintay ako ng katok baka may tracing. Wala. Hinintay ko rin ang tawag ng DOH pagkatapos kong mag-iwan ng numero para sa testing. Wala rin. Nasa kuwarto nila ang aking mga magulang. Nagparamihan ng ubo. Nagpalakasan ng ingay ng plemang ayaw lumabas. Nagpatindian ng sintomas.
Sa galit ko sa pamahalaan at sa pangulo, nag-post ako sa Twitter. "Bibigyan ko ng limampung milyon ang papaslang sa presidente." Ilang oras lang, may kumatok. Limang taga-NBI. Sampung pulis. "Salamat dahil dumating din ang mga tagagobyerno," sabi ko sa kanila pagbukas ng pinto.
"Saan ako kukuha ng ganyang pabuya? Guro lang ako. Nakaangat nang konti sa awa at libre ang suweldo. Gamitin naman ang utak." Dinala ko sila sa kuwarto ng aking mga magulang bago nagpaposas. "Kapag tungkol sa pangulo, napakaalerto niyo. Mga kritiko ba ang problema o coronavirus?"
"Hindi kami aalis hanggang hindi dadating ang ambulansiya. Dapat dalhin sila sa ospital at nang ma-test."

"Hindi niyo ba sasabihin sa kanila na dinadakip niyo ako dahil may sinulat ako sa social media na pinagkakaguluhan niyo? Para lang naman agaran ang inyong pagpunta rito?"
"Mag-public apology ka lang. Magpa-video. Tapos na 'to." Naka-face mask ang namunong nag-utos. Nakipag-social distancing din sa akin. Ang ibang mga kasamahan ay nasa labas at walang pakialam. Tama na sa kanila ang naposasan ako. "Sorry lang 'yan sa video, laya ka na," ulit niya.
'Yon na nga nag-viral. Pinarada ako sa presinto. Palabas nila para sa promosyon. Pina-media pa. Para kita ng pangulo kung sino ang dapat bigyan ng posisyon sa gobyerno pagkatapos magretiro. Umiyak ako. Lumuhod. Nagmakaawa. Humingi ng tawad. Naging mukha ako ng sinupil na kritiko.
Nagnegatibo sina Papa at Mama. Pati akong pinakawalan din. Napag-usapan na ang mababang suweldo ng mga guro. Nabasbasan pa ang aking bagong anyo. Anti-Duterte nang ganap. Walang posas para sa mga daliri. Tuloy ang kritisismo sa social media. Katuwang na ako ni Abi sa laban niya.
Tapos.
You can follow @sejoalzir.
Tip: mention @twtextapp on a Twitter thread with the keyword “unroll” to get a link to it.

Latest Threads Unrolled: