SI LONGFELLOW SA BUHAY NI BERTA

"Punyeta kayong lahat!" Umalingangaw ang sigaw ni Berta sa lansangan. Bilang ang mga tao. Namahinga ang mga busina. Animo'y nagpataasan at nagpapanglawan ang mga kongkretong kulay-abo. Punyeta raw sabi niya. Lahat daw kayo. Pati ikaw na mambabasa.
Nakabelo siya. Kahit noong bata pa, pagbebelo ang nangusap ng mga hindi niya masabi at belo ang metapora niya. Nagpanggap na mahabang buhok ang kamiseta at sirena siya. Tuwalya naman ang pinambalot kung nagmaganda at nagpakababae. Sampal ng ama ang una. Suntok ng kuya ang huli.
Noong gansilyong mantel ang ipinatong sa ulo at nakapikit ang mga mata, pinaluhod ng lolo. Nagalak dahil pagpapakasal sa simbahan ang pangarap niya. Kaso may mga monggo. Nagmadre-madrehan na lang at panluksang itim ang binelo. Tiyuhin naman ang humugot ng sinturon at naglatigo.
Lila ang kamiseta niya. Ang kulay ng mga pasang nakasanayan na. Maliban sa belo noon, naging metapora rin ang lila. Ang paulit-ulit na pangkulay niya sa mapusyaw na mundo. Naging taguan ang puno ng duhat. Binusog ang sarili sa itaas hanggang hindi na maputla ang mga labi at dila.
Maaga siyang natutong gumawa ng mga lilang rosas para sa patay. Mga usbong pa ang mga kamay. Binigay ang kita sa inang buntis na naman kahit pito na silang magkakapatid. Pulis ang amang may dalawang kerida. Imbes na nanay ang magbadyet sa tahanan, tatay na salawahan ang gumanap.
Uniporme sa kusina ang suot na pantalon. Hindi na dapat pagtakhan. Limang taong gulang pa lang, alam na ang pagkakaiba ng banli sa sangkutsa at ng sangkutsa sa nilaga. Nagawa niyang lilang bulaklak ang talong. Kulay-kahel na tagak ang karot. Walang kaparis ang kanyang sinigang.
Kung reyna ang ina niya ng kusina, hindi siya prinsesa. Superhero. Nangahoy nang walang gulok. Nagbunot ng niyog gamit ang mga ngipin. Kapag naubusan ng posporo, gumawa ng apoy. Sanay na ang kanyang balat sa tilamsik at paso ng mantika. Pero sa mga lalakeng kapamilya, salot siya.
"Gigil na gigil ako sa 'yo," sabi niya noong ginising ng amang hinipan ang pito sa tabi ng kanyang tenga at tulog pa ang mga tandang.

"Tumigil ka, Roberto!" utos ng ama. "Magbihis ka na, magmedyas at magsapatos. Lilibutin mo ang buong lungsod na pasan ang isang sako ng semento."
Sinimulan na nga ang police training. Pinagapang sa putikan. Pinarolyo sa batuhan. Naging pagtakbo ang martsa. Naging paglundag ang hakbang. "Tay, anak niyo ba ako?"

"Huwag kang magdrama, Roberto. Ituloy mo 'yan. Aakyatin mo pa ang niyog sa likod mo."

"Ampon ba ako o napulot?"
"Hulog ka ng malas," sabi ng ama habang hinahanda ang malaking batong ipapatapon sa kanya at ang mahabang bakal na baretang panungkab na ipapahagis din.

"Nagkasugat-sugat na ako, Tay. Ipako niyo na lang kaya sa krus." May mga gasgas sa kanyang mga tuhod. Duguan pa ang mga siko.
Pagkatapos ng pagpapahirap sa kanya ng ama sa anyo ng ehersisyo, patuloy ang pambubugbog. Mga kalaban na ang tingin sa mga lubid, patpat, sinturon, at buntot ng pagi. Minura ang matigas na kahoy na sahig na pinaluhuran at ang magalas na sementong pader kung saan siya itinulak.
"Mula nang winasak mo ang kalangitan ko sa region 7 hanggang region 31, masakit ang ginawa mo sa akin," sabi sa amang lasing pero hindi siya narinig. Hinati niya ang katawan sa tatlumpu't isang rehiyon. Ang mga palaging sinaktan ng ama. Puso ang pangpito. Utak ang trenta'y uno.
Naging malungkutin na ang bata. Palamumok sa kuwarto. Hindi na nagtiwala. Noong tumuntong sa elementarya, alam na niya ang mga iba't ibang bahagi ng ipis. Sigurado nang hindi makakalipad ang langaw kung isa lang ang pakpak. Hindi na nagtaka kung bakit makati ang kagat ng lamok.
Maagang dumating ang paghahanap ng kasarinlan sa kanya kahit hindi hinintay. Grade 4 siya nang pinamemorya ng gurong born-again ang "All Things Bright and Beautiful" para sa paligsahan. Hindi niya nagustuhan. Makulimlim daw at pangit ang kanyang mundo. "Walang liwanag at ganda."
Biniyak niya ang alkansiya. Pumunta sa computer shop dala ang Filipino-English na diksiyunaryong hiniram sa kaklase. Naghanap sa internet. Violence. Angel. American. Poem. Henry Wadsworth Longfellow ang lumabas. "The Occultation of Orion". Nanalo siya dahil mahirap ang binigkas.
"Magpasawalang-hanggan, magpasawalang-hanggan, ang paghahari ng dahas ay tapos na." Isinalin niya ang ending ng tulang pinalakpakan dahil talo pa niya si Nora o Vilma sa pagganap ng mga iba't ibang anyo ng kalungkutan sa mukha. Mula hikbi hanggang nguyngoy. Isang daan ang premyo.
"Nay, sampu na kami. Dapat lang bawasan." Nagmano siya sa inang abala sa pag-aalaga ng dalawang sanggol na labi ng apat sana kung hindi lang nasakal sa loob ng sinapupunan. 'Yon na ang huling pamamaalam. Paglabas ng bahay, hindi na siya bumalik pa. Siya ang nagwakas ng karahasan.
Sa tulong ng gurong born-again, tumuloy siya sa bahay-ampunan ng Amerikanong pastor. Pinayagan siyang kumembot at maging prinsesa ng kusina. Inako niya rin ang paglilinis, paghuhugas, paglalaba, at pagbabantay ng mga bata. Dose pa lang, nanay na. Ang dating Berto ay naging Berta.
May tungkulin din siya sa gabi na siya lang at ang pastor ang may alam. Hindi siya umayaw dahil pinangakuhan na papag-aralin hanggang kolehiyo. Kabaliktaran ang nangyari. Tinuruan siyang uminom at humithit ng damong kalaunan ay naging shabu. Adik ang pastor sa droga at sa kanya.
Pagdisesais ni Berta, may batang kapalit na siya. Pinalayas siya ng pastor. Linaspag muna. Hindi pa pinag-aral. "Ginulo mo ang isip ko. Sinira mo ang kinabukasan ko. At higit sa lahat, pinapunta mo ako sa mga bisyong walang-hiya. You'll never be a part of my life forevermore."
'Yon lang ang sinabi niya sa pastor bago umalis. Ayaw niyang habambuhay isipin na biktima siya ng pang-aabuso ng taong mapagpanggap. Para hindi mahirapang umusad, inisip na lang na naggamitan sila. Nagustuhan din naman niya ang ginawa sa kanya. Pero masakit ang pagpalit sa kanya.
Tatlong dekada ang nagdaan at napanindigan ni Berta na wala nang manakit at manggamit ng kanyang katawan. Palipat-lipat siya ng parlor na pinagtrabahuan. Nagsimula sa paghugas, pag-shampoo, at pagbanlao ng buhok. Hindi naglaon, pinahawak na ng mga curler, straightener, at blower.
Hanggang sa naggupit, nagkulay, nag-unat at nagkulot na rin siya ng buhok. Dalubhasa na sa suklay at gunting. Kumita sa mga kandidata sa mga pagandahan. Suki ng mga putang magaganda. Pati ang paglagay ng nunal, pigsa, at buni sa mga mukha ng mga komedyante sa TV ay kinarir niya.
Sa paglalayag niya, ang pagkakaroon ng sariling tahanan ang kanyang iisang pangarap. Nakituloy lang kasi. Natulog sa sahig, bangko at mesa ng mga kaibigang nagpakain at naawa sa kanya kapag wala siyang kita. Kung inaway ng mga maldita, sa parke tumambay o sa lansangan nagpahinga.
Noong nanalo si Duterte na kanyang ipinangampanya sa mga kabaklaan, natupad ang kanyang dalangin. Isa siya sa mga nakaiskwat sa pabahay. Para pambayad ng tubig at kuryente, nagluto at naglako ng mga kakanin. Ang kita sa suklay at gunting ay sa pagkain at iba pang mga gastusin.
Pinahalagahan ni Berta ang bahay na napasakanya. Araw-araw nilinis. Ginastusan niya ang 'Last Supper" at ang mga dambuhalang kutsara at tinidor na kahoy. Japan surplus ang kanyang mga muwebles at iba pang mga gamit. Palasali sa mga bunutan kaya may TV, refrigerator, at aircon.
Dahil gas range ang papremyo, sumali siya sa papangitan ng mga bakla sa pista. "Salamat, hindi na ako iihip pa ng hangin sa kalan." Nanalo rin ng Best in Talent. Microwave ang natanggap. Kumanta siya ng "The Greatest Love of All" habang bumubuga ng apoy at naglalakad sa mga baga.
Doon sa entablado siya nakita ni Bogart. Sa konstruksiyon nagtrabaho. Tagabuhos ng semento at tagatupi ng mga narilyang bakal. Walang asawa. Hindi pa nagkaanak. Malaki ang katawan. Trenta'y tres ang edad. Nagsimula sa kindat ang pangarap ni berta na sa wakas ay magkakaasawa na.
Wala pang isang buwang ligawan, lumipat na si Bogart sa bahay ni Berta. Masikip na kasi sa tirahan ng mga magulang. Mainit pa dahil electric fan lang. Paulit-ulit rin ang ulam. Kung hindi galunggong, mga paa o ulo ng manok. Kay Berta, prinsipeng busog siya. Malambot pa ang kama.
Mag-iisang taon pa lang ang pagsasama, naging tatlo na. Dinala ni Bogart ang kanyang kasintahan para doon sa bahay ni Berta patirahin. Ginawan ni Bogart ng extension ang bahay para gawing kuwarto ng kasintahan. M-W-F sa babae. T-Th-S kay berta. Sa salas sa Linggo para magpahinga.
Nagpaubaya si Berta dahil pinapili: patirahin ang babae o aalis ang lalake. Pantasya rin ni Berta na heterosekswal na lalake ang kapareha. Ang pruweba ay may babae siya. Kinaibigan niya na lang ang kasintahan ni Bogart para hindi siya pagkaitan sa kama. Lagpas kwarenta na kasi.
Ipinikit niya na lang ang mga mata kapag nakitang nagharutan ang dalawa. Kapag nakarinig siya ng mga halinghing habang nag-iisa sa kuwarto niya, iniyak na lang sa unan ang sama ng loob. "Tutal sa akin siya bukas," sambit sa sarili para hindi lalong masaktan. Hikbi ang nasa mukha.
Hindi sa takot siya kay Bogart na gumamit ng shabu dahil palagi ang overtime na puyatan sa trabaho. Mahal lang talaga niya kaya tiniis. Pero noong nanganak na ang babae, nag-iba na ang timpla ng pakikitungo ni Bogart sa kanya. "Pagod ako." Sa kabila na nakatingin kapag nagsiping.
Noong umuwi si Berta sa kanyang bahay galing sa paglalako ng mga puto at bibingka, sarado na ito. Nasa labas na ang kanyang mga damit na sinilid ni Bogart sa mga bag na pambasura. Lahat ng mga gamit niyang iba pati mga suklay at mga gunting ay hindi binigay. Pinalayas si Berta.
"Mahirap akong kalabanin. Lalake ka lang sa buhay ko. Minahal lang kita." Sumigaw siya sa labas ng bahay. Pinaghalong lungkot at galit. Gustong maghiganti ang kanyang iyak. Dahil iniskwat niya lang ang bahay, wala siyang papeles. Dumeretso siya sa kapitan. Isinumbong si Bogart.
Nalaman na lang ni Berta sa mga balita sa bangketa na nanlaban daw ang dalawa. Nang binalikan niya ang bahay, wala nang laman. Kinandaduhan na ng tunay na may-ari. Parang hinugot ang kanyang kaluluwa. Pinipi ng sinapit. Naglakad papunta sa pusod ng mga kongkreto nang nakalutang.
Dahil sobrang mahal niya si Bogart, pinagsisihan ang kanyang ginawa. Usapan pa sa barangay na siya ang nagsumbong at dahilan ng pagyao ng magkasintahan dahil bakla siyang nagselos at pinilit ang sarili sa lalake. "Wala kang karapatang humusga sa buhay ko," wika niya sa kanila.
Naging palaboy na nga si Berta. May teritoryo na sa lansangan. Meron na ring pangalang hindi kilala ng mga tao noon. Tanyag siya sa pagtutula. Sa kalye na siya inabutan ng epidemiya. Pero hindi nag-alala. Hindi na puwedeng palayasin ang lumayas na at nasa labas na nga nakatira.
Pero iba ang nasa isip ng gagong pangulong dati niyang inidolo. Tahanan din daw ang kulungan. Hindi niya kasi suot ang hawak-hawak na face mask kaya dinampot. Ipinasuko sa kanya lahat pati ang lipstick sa bulsa. "In the first place, I have make it with my own, what I have on."
Tama nga naman. Hindi siya pumila para sa relief goods. Tumula kaya may nagbigay. Kahit ang mga suot ay hindi nakaw sa ukay. Nagpalimos siya. Pati ang face mask at ang lipstick ay pinaghirapan. Ngumiti sa mga naawa sa kanya. Ipinasok pa rin si Berta sa patrol car ng mga pulis.
Bago humarurot ang sasakyan, sumigaw si Berta para marinig ng mga ususero:

Then, through the silence overhead,
An angel with a trumpet said,
"Forevermore, forevermore,
The reign of violence is o'er!"

Nagtawanan ang mga tao. "Ikulong ang baliw!" Naghiyawan. "Baklang sira-ulo."
Sa isang sulok, nakatayo akong mag-isa. Hindi makakibo dahil sa aking nakita. Hindi rin makaimik dahil sa aking narinig. Manunulat ako. Dating kustomer ni Berta sa parlor. Hindi siya baliw. Hindi niyo lang alam ang kanyang buong kuwento. Sa loob-loob ko, "Punyeta kayong lahat."
Tapos.
You can follow @sejoalzir.
Tip: mention @twtextapp on a Twitter thread with the keyword “unroll” to get a link to it.

Latest Threads Unrolled: