#nanayko ang nagturo sa aking palaging isipin ang iba at hindi lang ang sarili ko. S’ya rin ang dahilan kung bakit ako mahilig kumain, at s’ya ang standards ko sa pagluluto. Mahilig s’ya sa mga bulaklak at halaman at laging tungkol dito ang pinapanood n’yang videos sa youtube.

S’ya rin ang pumilit sa aking mag-music (kabaliktaran ng kwento ng iba, na ayaw mag-music ang mga anak nila) kahit nung una hindi ko masyadong gusto. Sabi n’ya nung bata ako, magagalit si Santa kapag hindi ako nag-piano.

Nag-iyakan kami ng #nanayko dati kasi pinipilit n’ya akong mag-aral sa art school sa bundok kahit ayaw ko talaga. Kung hindi ko s’ya sinunod, hindi ganito ang buhay ko at hindi ko makikilala ang ilan sa mga dabest na taong nakilala ko.

Nung college ako, minsan hinahatid n’ya pa rin ako mula Taft hanggang Philcoa, para lang makatulog ako sa bus/jeep nang hindi lumalampas sa babaan, dahil alam n’yang lagi akong puyat.

Nag-iyakan uli kami nung nag-out ako sa kanya, sabi n’ya natatakot s’ya para sa akin dahil alam n’yang hindi mabuti ang mundo sa mga katulad ko. Masasaktan lang daw ako. Sabi ko sa kanya, pinalaki n’ya ako nang maayos kaya kakayanin ko naman siguro.

Magkaiba kami ng #nanayko ng mga paniniwala, ng mga prinsipyo, pero nangako kami na palagi naming susubukang pakinggan ang isa’t isa. Hanggang ngayon, may mga hindi pa rin kami pinagkakasunduan. Pero pareho kaming natututo sa isa’t isa kahit+dahil magkaiba kami ng mundo.

Mahal ko ang #nanayko.