LIGO

Sa arkeyolohiya ng aking buhay, may mga bagay na hindi ako tinatantanan. Kusang lumilitaw para magpapaalala. Biglang dadating nang hindi inaasahan upang balikan ang nakaraan. Bubulagta na lang na para bang kailangan ko ng tagaantig. Isa sa mga 'yan ay ang Ligo na sardinas.
Marahil isang talambuhay ng pagkatao o pagkain ang kuwentong ito. Nagbabago ang naratibo habang humihinga o kumukutsara. Bawat bagay ay may mga kuwentong nakakubli. May mga banghay. Merong mga latag. May mga balantok. Merong mga bahagya. Hindi mo na kailangan ng mga diksiyunaryo.
Nauumay na ako sa istrukturang simula-gitna-katapusan ng kuwento. Pero kailangan. Binubuksan muna ang lata. Binubuhos ang laman. Binabasura ang pinaglalagyan. Hindi pa nagtatapos diyan ang linyar na balangkas. Tinitikman muna ang laman. Kinakain na ang ulam. Sinisimot pa sa huli.
Kagaya ko. Bata noon. Nagbinata sa pag-usad ng panahon. Patanda na ngayon. Kahit ang aking mga karanasan ay ganoon din. Nakaraan. Kasalukuyan. Hinaharap. Maging ang buod ng aking kuwento. Hikahos noon. Nakaluwag nang konti. Hanggang naging kaginhawaan. May kaayusan sa kaguluhan.
Arkeyolihista rin ang isang manunulat. Naghahanap. Nagsusukat. Naghuhukay. Naglalantad. Kinukumpara ang mga natatagpuan. Bagay sa gamit. Gamit sa tao. Tao sa panahon. Panahon sa bagay. Pagtatanong din ang pagsusulat. Sino raw? Ano na? Bakit ganoon? Kailan pa? Saan ba? Paano kaya?
Patapos na ang diktadura noon. Pamahal nang pamahal ang gatas. Pero nakabarong pa rin si Macoy at nakatrahe si Imelda. May piging pa sa Palasyo. Merong mga dayuhang bisita. Nakanganga ang mga mamamayang gutom. Pinilit na akong pakainin ng mga magulang kahit wala pang mga ngipin.
Ang unang salita ko ay hindi "tatay" o "nanay" kundi "pula", ang kulay ng sarsa. Nahirapan ang bibig sa haba ng "sardinas", ang pinagkunan nila ng mga bitamina. Ligo na ang nakasanayan. Sinahog sa lugaw. Hinalo sa nilagang kalabasa. Mahal ang Cerelac. Pangmayaman ang Gerber's.
Noong nagkaisip na, inabutan ko pa ang nutribun ni Imelda. Parusa siya sa mga panga. Patibayan din ng mga ngipin. Kahit ubos ko na, hinanap pa rin ng dila ang lasa. Nagkasaysay rin naman ang aralin noon sa agham. Solido ang tinapay. Likido ang tubig na pampalambot. Gas ang utot.
Tanda ko pa ang takdang-aralin sa hapong 'yon na aking nakalimutan. Bawal na ang lumabas upang mamitas ng prutas o kumuha ng dahon o maghanap ng bulaklak. Living things ang hiningi. Pagbiyak ko ng nutribun, may insekto--bukbok. Akala ko lusot na, patay na pala. Pinugon daw kasi.
May sukdulan kahit ang dusa ng bunganga. Kaya noong tinamad nang ngumuya, nagmakaawa ako sa aking ina kung puwedeng sabawan ng pulang sarsa ang matigas na tinapay. "Kahit walang laman, Nay, puwede na." Parang hindi puwede ang "puwede na" sa Ligo. Malaman ang nasa loob ng lata.
Noong puro laro na ang nasa utak, naging henyo ang aking ama dahil sa de-lata. Ginawan ako ng mga metal na sasakyang laruan. Pinaniwala sa teknolohiya ng pising nagkabit ng dalawang lata. Dahil hindi kaya ang presyo ng bisekleta, mga tiyakad na hinila ko sila kasabay ang mga paa.
Nakatapos din ng elementarya. Pandesal na may sardinas ang palaging baon. May halong itlog o ginisa lang. Hindi ginalis dahil hindi de-latang pipitsugin. Spaghetti na sardinas ang sahog ang dinala sa Christmas party. Ako lang ang kumain. Hindi pa sopistikado ang mga panlasa nila.
Nang naging binatang-binata na, ga-Ligo na ang laki ng ari, hindi na mabilang ang mga bulbol na tumubo, at nilaro na ang sumpitan, naging simbolo ng awa sa sarili ang sardinas. Tumanggi ang babaeng kaklaseng aking napusuan dahil lang sa patak ng sarsa sa aking puting uniporme.
Nagpakahusay na lang sa Geometry, ang pinakamahirap na klase. Naging bihasa sa mga circle. Magaling sa radius at diameter. Kayang-kaya ang cylinder. Gamay na gamay ang volume. Hindi man sardinas ang aking iginuhit sa pisara, ang lata ang nagpatunay na buhay ang aking matematika.
Hindi salat ang aking mga kaarawan dahil sa Ligo. Naging dalawa ang isa. Sinahog ang kalahati sa bihon. Nilagyan ng pipino ang natira. Pinagsaluhan naming tatlo. Itinabi ang tira. Kasya dahil nagpatali ang aking ina nang ako ay isinilang. Ikamamatay raw ang sunod na pagbubuntis.
Dahil sa galing, pangarap, at sardinas na rin, nakatungtong sa kolehiyong ginapang ng inang labada ang hanap-buhay at amang kalakal lang ang alam. Nag-iba ang direksiyon ng batang-sardinas na lumaki sa maliit na tahanang kasinlaki ng banyo. Nandoon na ang sala, tulugan at kusina.
Nangarap maging manananggol ng mga inaapi sa hinaharap kaya nag-Political Science at nag-minor din sa Economics. Doon ko natutunan na hindi lang dapat baliktarin ang tatsulok. Gawin itong pantusok. Hugis ng bala ang dahas ng aking utak na namulat. Nagrebelde sa lipunan. Namundok.
Kahit sa sukal ng kagubatan, natunton pa rin ako ng Ligo, ang parating ulam ng mga nag-alsa. Sadyang mas malakas ang retorika ng sardinas kaysa ideyolohiya ng kilusan. Kahit pula pa ang bandera ng pamahalaan, may kakain pa rin ng lechon at merong magtitiyaga sa de-latang isda.
Sardinas din ang nagpalaya sa akin sa dakma ng pinaglumaan nang pananaw. Ayokong maging anay. Ayaw kong maghabi ng mga lumot. Ayokong magkauban na lang pero nasa bundok pa rin. Ayaw kong sisihin ang panahong sinayang. Noong inutusan na bumili ng mga de-lata, hindi na ako bumalik.
Noong umuwi ako sa amin, niyakap ko ang kapitalismo. Pagpupunyagi ang solusyon hindi rebelyon. Naglumpiyang sardinas kami ng aking ina. Pumatok sa buong barangay hanggang naging pasta with sardines na ang lutong pinagkaguluhan ng mga pasosyal na nagtipid at may bago nang panlasa.
Nagtanim din kami ng aking ama ng mga binhi ng mga prutas sa mga lata. Binenta sa mga gustong magprutasan. Mabenta ang lansones. Pinilahan ang rambutan. May chico. Merong guyabano. Mabunga raw ang atis. Matamis ang santol. Ano raw ang sekreto? Ang mga maliliit na latang taniman.
Noong nagkaipon at marami na ang mga naipundar, nangibang-bansa ako. Hindi lang ang kalabang globalismo kundi ang nilait na imperyalismo rin ang nagpayaman at nag-eduka sa akin. Pinaaral ng kompaniya ng Kano sa Taiwan. Factory worker ako sa araw at writing student naman sa gabi.
Kahit sa dayuhang bansa na iba ang pagkain at panlasa, iba ang kultura at wika at iba ang ekonomiya at politika, sinundan ako ng Ligo. Binawasan ang aking pangungulila sa mga magulang. Nilibang ang bibig na pag-uwi ang laging sambit. Binusog ang tiyan at binuhay ang mga alaala.
Tuwing naghapag ng ensalada, mga kamay ng aking amang nag-aruga ng mga sibuyas, kamatis at luya ang naisipan. Kapag torta naman ang nasa mesa, bilis ng kamay ng aking inang sanay na sa labtik ng mantika, liyab ng apoy sa mukha at paso ng kawali ang binalikan. Sila ang aking ulam.
Retirado na ako. Nakauwi na. Naging pahinga na rin ang dapit-hapon ng aking mga magulang. Maluwag na ang paghinga. Wala na ang sakal ng dusa. Hardin na lang ng aking ina ang pinagkakaabalahan ng aking ama. Pagpapainom naman ng mga gamot sa aking ama ang binabantayan ng aking ina.
Sadyang ayaw ako tigilan ng sardinas. Dumating ang epidemiya. Ipinagbawal ang paglabas ng bahay. Namigay ng rasyon ang pamahalaan. Kadami-dami ng klase ng sardinas sa buong Pilipinas, natunton pa rin ng Ligo ang bahay naming sabi nila ay mansiyon. Nahanap ang dating pinalaki.
Hindi ko pa mawari kung ano na naman ang gustong ipahiwatig ng sardinas. Hindi pa halata ang saysay nito. Hindi ko inasahang may mag-aabot ng mga de-lata sa aming kasambahay. Maging ang asawa ko ay nagulat. Tatlo ang sasakyan pero nilimusan ng sardinas. Mali ang kanyang intindi.
Baka panahon na para ibahagi ang aking mga kuwentong sardinas sa apat kong anak ngayong nasa bahay lang sila. Dalawa ang nasa kolehiyo. Puro lalake. Dapat turuan siguro na huwag gayahin ang aking mga kapusukan sa nakaraan. Ang paghahabol sa mayaman. Ang pagpapauto sa mga pulahan.
Haiskul pa ang dalawa kong anak na babae. Kailangan din siguro ipatikim sa kanila ang pandesal na pipitpitin at inunudnod sa sarsa o ang monay na hihiwaan sa gitna at lolooban ng dinurog na isdang palaman. Kuwentuhan kaya ng aking pinagdaanang kasama ang Ligo na parang kaibigan.
Marami na rin ang mga nangyayari ngayon na hindi ko nagugustuhan. Ang pangulong bilyonaryo sa nakaw na yaman na ginagawang pampapogi sa kanyang demonyong mukha ang sardinas sa plato kahit nagpapasasa sa Palasyo. Walang pagkakaiba sa dating diktador na halimaw sa aking pagkabata.
Pangungutya sa nakaraan ang panlalait sa mga nakapila dahil lang sa mga de-lata. Sardinas ang hinihintay. Hindi lechon. Nakatayo sa ilalim ng sikat ng araw. Walang aircon. Tira-tira lang ang pinagkakaguluhan ng mga sardinas. Pinagpipistahan ng mga pating ang malaki sa kabuuan.
Parating na raw ang mga kahon-kahong de-latang mula sa Ligo para ipangmudmod ko sa mga nangangailangan. Nakausap ko na ang opisina ng bise-presidenteng mapagkatiwalaan. 'Yan siguro ang gustong ipabatid sa akin. Lumingon sa dati. Gunitain ang nakaraan. Balikan ang pinanggalingan.
Ngayong naka-lockdown, unti-unting nagkakasaysay ang sardinas na tumunton pa rin sa akin. Kahit hindi ko natapos ang pinag-aralan dati, marami rin naman akong natutunan. Isa na ang pangaral na ang kuwento ay may simula, gitna, at katapusan. Inuudyok akong magsulat para sa bayan.
Kung naghahanap kayo ng mga diyalogo sa kuwentong ito, tuklasin na lang ang mga parinig at pasaring ng Ligo. Nakatagong usapan ng mga walang buntot at ulo ang nasa loob ng lata. Monologo ang pagtayo ng sardinas sa mesa. Oo, kuwento ko ang isdang malambot na may matamis na sarsa.
Tapos.
You can follow @sejoalzir.
Tip: mention @twtextapp on a Twitter thread with the keyword “unroll” to get a link to it.

Latest Threads Unrolled: