SA PILING NG KALAPATING HUBAD

Matagal ko nang gustong magsulat ng tungkol sa akin at sa isang puta. 'Yong sinasabi nilang pokpok. Babaeng bayaran. Laman sa lansangan. Diyosa ng gabi. Kalapating hindi pinapalipad. Para sa akin, ang musa ng aking pluma na hindi ko pa nakapiling.
"Maestro" ang tawag sa akin. Kung bakit, 'yan ang hindi ko alam. Lagpas singkuwenta na ako. Marami-rami na rin ang mga maiikling kuwentong nasulat. Wala pang hindi nalathala. Hindi na mabilang ang mga premyong natanggap. Hurado na nga lang daw sa mga patimpalak. Sawa na sa akin.
Nagtuturo pa rin ako sa isang pamantasan. Ilang taon na lang, papahingahin na. Patnugot din ng isang tanyag na pampanitikang magasin. Hindi pa pinapatalsik dahil may hatak pa sa mga mambabasa ang aking pangalan. Libangan ko rin ang kahit anong mga babasahin tungkol sa mga puta.
Nagsimula sa maikling kuwentong "Boule de Suif" ni Maupassant. Unti-unting hinubog ang aking hilig ng nobelang "Nana" ni Zola. Nang lumabas ang "Memoria de mis putas tristes" ni Marquez, malala na ang aking pantasya sa literatura. Binili ko kahit kinalawang na ang aking Espanyol.
Marahil dulot ito ng aking pagkabata sa Antipolo. May kapit-bahay kaming pinagpistahan ng mga dila. Nag-iisang puta raw sa aming bayan. Mag-isa siyang nakatira sa bahay na binalakiran ng puno ng aratiles. Nasilipan ko siya noon sa butas ng pakong binunot ko sa inanay na dingding.
Mga labi ang ipinamitas niya ng mga hinog na malaholeng prutas. Niyugyog ng dila ang hamog. Inipit ng mga labi. Pinilipit ng hatak. Deretso sa bunganga. Tamis ang anyo ng kanyang pagnguya. Kung may tumigas man noon, hindi nilabasan. Bata pa. Pero walang kaparis ang aking nakita.
May hapong naging batis ang posong paliguan. Nakahilata ang isang balakang. Umusli ang kanan. Nakalugay ang mahabang buhok. Mga daliri ang panghilod.

"Puwedeng ako na ang tagabomba? Pipikit ako. Ako na rin ang magsasabon." Nagkasala ang aking isipan habang nakatingin sa unahan.
Ang hubog na nakakubli sa basang kamiseta ay sining na hindi na ako nilubayan. Gusto kong magsulat ng tula pero pagbigkas pa lang ng Abakada ang aralin. Kinuwento ko na lang sa kaibigang bata pa pero nangolekta na ng mga larawan. Ninakaw niya ang mga ID ng mga babaeng kaklase.
Ang masakit ay ang pagsapit ng gabi. Mga hamog sa tuyong lupa. Nakapila ang mga lalake sa ilalim ng buwan. Mga anino pa rin ang mga mukha. Natuto akong magbilang dahil sa kanila. Inorasan ko mula pagpasok hanggang paglabas. Kapag nainip, tumingala sa mga tala. Ang hirap bilangin.
Hindi nagtagal, ibinalik ko rin ang pako sa kanyang butas. Kawalan na ang tanawin. Nilusob siya ng mga babaeng may-asawa. Sinigawan ng iba't ibang klase ng panghihiya. Bigla na lang naglaho ang nagmulat sa akin. Hindi na ako hinintay na lumaki. Lumayas daw sa kalagitnaan ng gabi.
Noong propesyunal na akong nagsulat, nakalimutan ko na ang kanyang mukha. Luhaang mga mata na ang pumalit sa mga mapupungay na nag-imbita nang walang salita. Gutom na mga labi na rin ang humalili sa mga binasa ng nang-akit na dila. Lipunan na ang aking pinagtuunan. Reyalismo.
Diyan ako nagkapangalan, tumagal at kumita. Kasalatan ng iba ang bumusog sa akin. Kahirapan nila ang nagpaginhawa. Pornograpiya ng dusa ang aking literatura. Habang patanda nang patanda, may mga gusto akong balikan at sulatin ngunit may pag-aalinlangan. Takot akong iwanan nila.
Hindi nagpapatawad ang mga mambabasa. Kasingbangis nila ang mga kritiko. Walang pinagkakaiba ang kanilang kalupitan sa inaasal ng mga naluluging tagalathala. Pare-pareho ang mga payo. "Kung gusto mo ang gintong medalyang inaalay para sa mga alagad ng sining, huwag kang lumiko."
Hindi pa sila napapagod sa pagbabasa, pagsisiyasat, at paglalahatla ng mga maiikli kong kuwentong walang pagbabago sa tono, tinig at tema. Pagod na ako. May mga sandaling nagsusulat ako tungkol sa mga kahunghangan ng demonyong pangulo pero mga mukha sa nakaraan ang nagsusulputan.
Gusto kong isatitik ang aking unang karanasan. Noong bininyagan ng aking gurong malibog kahit may asawa na. Kaya lang takot akong tawaging abused. Gusto ko rin sulatin ang unang pagtibok ng aking dibdib. 'Yong paruparo sa aking sikmura ang pinsan. Ayokong tawagin nilang incest.
Totoo ang naramdaman ko para sa aking estudyanteng maglalabing-anim pa lang noon. Biyente-uno ako. Muli, ayokong pagbintangang pedophile. Hindi panandalian ang pagtingin ko sa isang makata sa workshop sa Baguio. Mukha ng anghel. Takot akong tawaging harasser. Sumpa ang alaala.
Isa na lang ang nagpaiwang hindi pa nabura ng takot. Ang kariktan sa ilalim ng aratiles. Ang alindog sa poso. Ang babaeng hindi ko alam ang pangalan. "Hindi naman siguro magiging eskandalo ang gagawin ko?" tanong ko pagkatapos ibuga ang usok. Sinunog ng vodka ang aking lalamunan.
Marahil dulot ng epidemiya ang lakas ng loob ko. "Kung kikitilin man ang buhay, walang panghihinayang kung mangyayari ang gusto."

Bago ipinatupad ang malawakang pagbabawal ng paglabas ng bahay, naglayag ako. Gabi. Tunog ng mga matutulis na sapatos. Anino. Ang babaeng hanap ko.
Wala akong alam kung paano simulan ang ritwal. Hindi ako gaya ng pabong asul na may mga balahibong binubukadkad para mang-akit. Hindi rin panliligaw ang aking pagpaparamdam. Hindi pa ako nakabasa ng libro ng pagyayaya. Sa mga nabasa ko, ang pagkakasundo ay salubong ng mga mata.
"Makikisindi ba ako ng sigarilyo? Magtatanong ba kung anong oras na?" Natandaan ko ang palagi kong pangaral sa mga estudyanteng manunulat--Whatever makes you cringe is a cliche. You must hate it. It ruins your work. May kakaibang kaligkig nga sa aking batok. "Gusto mong magkape?"
"Dinner ang gusto ko," sabi ng nag-iisang babaeng nakatayo sa kanto.

Kanina lang nagkunwaring may hinintay. Sinulyap-sulyap ang relo. Patay naman ang ilaw sa poste. Tawag nang tawag sa cellphone. Wala akong narinig na ring. Oras na pala ng hapunan. Ginutom siya ng paghihintay.
Nandoon na lahat sa kalye. May mga kainan sa kaliwa. Merong mga motel sa kanan. Sa unahan, puro mga inuman. Pinapili ko siya kung saan niya gustong kumain.

"Diyan, Korean ang pagkain," turo ng nguso niya.

"Magmu-mukbang ba tayo?"

"Hindi naman. Hindi ako palakain masyado."
"Biro lang na seryoso. Kakakain ko lang kasi."

"Huwag ka nang umorder para makatipid ka."

"Hindi sa nagtitipid, iinom na lang ako ng tsaa," sabi ko.

Ilang hakbang lang nandoon na kami. Nag-order siya. Kumain nang mabagal. Inubos ang isang bote ng tubig. Mas uhaw kaysa gutom.
Pagkatapos kong magbayad, pumasok siya sa banyo. Naghintay ako sa labas. Hindi ko mawari kung umihi o nagbawas. Paglitaw, nagpaganda pala. Mapula na ang mga labi. May napadpad na mga hibla ng buhok sa noo. Naalala ko ang isa ko pang pangaral--Nuances and subtleties are arousing.
Tumuloy na kami sa motel. Siya na lang ang pinapili ko. Hindi ngumiti sa kanya ang nagbigay ng susi. Walang tumawag ng pangalan niya. Hindi siya binigyan ng bawas. "We offer 10% off to our regular guests" ang nakasabit sa dingding. Hindi rin niya natunton agad ang aming kuwarto.
Palaisipan siya sa akin. Siya na lang daw ang magbabayad ng motel. Wala namang sinabing idadagdag na sa rate niya. Napatingin tuloy ako sa salamin sa lobby. Halata pa rin naman na dati akong pala-gym. katitina ko lang ng buhok. Hindi rin naman tinadtad na atay ang aking mukha.
Isa na namang pangaral ang natandaan ko--Make your readers think. Pumasok kami sa kuwarto. Nagpahinga nang konti. Nagmumog ako. Nagsipilyo siya. Kumpleto sa essentials ang kanyang bag.

Sumagi tuloy sa isip ko ang epidemiya. "Okay ang temperatura mo? Nagkasakit ka ba recently?"
"Knock on wood, hindi pa." Kahit kongkretong bubong ang kinatukan niya, nagsabi siya ng totoo.

Ginamit ko sa kanya ang dala kong temperature scanner. "Buy one, take one" nang nabili ng kaibigan ko. Niregalo ang isa kahit matagal pa ang Pasko. Mag-ingat daw ang mga manunulat.
Nagkalkula ang titig ko. Edad niya. Walang kulubot sa likod ng kanyang makeup na manipis. Hindi mga espasol ang mga pisngi. Palaban ang ganda niya. 'Yong sasampalin ka pagkatapos kang halikan. 'Yong nagwe-welcome kahit hindi pa nagsisimula para paalisin ka dahil hindi niya gusto.
Dahil lagi kong pangaral sa klase ang "Know your characters", nagpakilala at nagtanong ako. "Magpapakatotoo ako sa 'yo para walang bolahan. Sayang ang oras. Writer ako. Creative writing professor. Matagal nang hiwalay. Babae pala ang kanyang gusto. Ikaw? Sino ka? Ano ka? Bakit?"
"Magsisimula ako sa huling tanong. Nakasakay ako sa dyip. Galing sa trabaho. Nakita kitang palakad-lakad. Bumaba ako. Writer din ako. Pero matagal nang hindi nakapagsulat. Ako si Alyssa. 'Yong estudyante mo sa Latin American Short Fiction. Ang sinabihan mong meron kang fantasy."
"Oh, Alyssa, I remember you. Uno ka sa klase ko. Magaling ka. Bakit iniwan mo na ang pagsusulat?"

"Noong nagtapos ako, naging pantasya ko ang ibigay sa 'yo ang pantasyang gusto mo. Pero sobrang sikat ka. Hindi puwede. Tinitingala ka. Ilang taon akong binagabag ng pantasya mo."
"Puwede mo naman akong katukin sa Faculty Center. Open naman ang office ko kahit sa alumni, Alyssa. Babalik ka ba sa pagsusulat kung sasabihin ko sa 'yo?"

"'Yan ang pinag-iisipan ko lately. I must write again. Para hindi mabagot habang naka-lockdown. Humingi ako ng sign. Ikaw."
Kinuha ko ang sineguelas sa aking bulsa. Pula. Buo. May tangkay pa. Walang hinog na aratiles. Mula sa kama, kita ang gripong malaki ang bibig. May nakasabit na batang panligo. Puti. Seda. Hindi nagtaka si Alyssa. Sinabi ko rin sa kanya noon, "I want your mouth. I want you wet."
Naalala ko ang aking pangaral sa mga estudyante tungkol sa coincidence "It is never contrived. Even a fish in the ocean and a ladle in the kitchen sink do meet." Sa gabing 'yon, hindi ko alam kung sino sa aming dalawa ang isda at kung sino ang sandok. May nahuli. Merong nabusog.
Naka-lockdown pa rin ako. Sa wakas, nasulat ko na rin ang matagal ko nang gusto, ang kuwentong ito.
Tapos.
*Ako si Alyssa, Maestro.
You can follow @sejoalzir.
Tip: mention @twtextapp on a Twitter thread with the keyword “unroll” to get a link to it.

Latest Threads Unrolled: